Pedicab driver, tinaga sa ulo ng buko vendor
MANILA, Philippines — Mistulang ginawang buko ang ulo ng isang pedicab driver nang tagain ito ng kanyang stepfather matapos magkaroon ng mainitang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa Malabon City.
Nasa kritikal na kondisyon pa rin sa Tondo Medical Center ang biktimang si Marcelino Austria, 63, ng Brgy. Tugatog, Malabon dahil sa tinamong taga sa ulo at katawan.
Agad namang naaresto ang amain nito na si Eduardo Aguilar, 72, na isang buko vendor. Narekober sa suspek ang ginamit na bolo sa pananaga.
Lumilitaw sa report na tinanggap ni Malabon City Police chief, Col. Albert Barot mula kina PSSg Mardelio Osting at PSSg Ernie Baroy na naganap ang insidente dakong alas-7:40 ng gabi .
Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek hinggil sa pagsasaayos ng bahay sa na humantong sa pananaga ng huli sa una.
Sa kainitan ng pagtatalo, kumuha ng bolo ang suspek saka pinagtataga sa ulo at katawan ang biktima. Nagawa namang makawala ng biktima sa pananaga at humingi ng tulong sa Sub Station 2 ng Malabon City.
Sasampahan ng kasong frustrated murder ang suspek.
- Latest