MANILA, Philippines — Nalambat ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang isang pulis na driver ng ambulansiya ng PNP Health Service na nangongotong ng P100,000 sa isang police applicant sa ikinasang entrapment operation sa Camarin, Caloocan City.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang suspek na si S/Sgt. Joel Bunagan, 37. Agad itong isinailalim sa summary dismissal proceedings.
Nahuli si Bunagan sa isinagawang entrapment operation noong Lunes dakong alas- 3 ng hapon sa Waling-Waling Street, Sampaguita Subdivision, Barangay 175, Camarin, Caloocan City, bunsod ng reklamo ng isang PNP applicant na hinihingan ng P100,000 ng suspek upang maproseso ng PNP recruitment.
Nakuha mula sa suspek ang ilang tig P1,000 maked money, I-Phone, at Keeway 125 blue and black motorcycle.
Ayon kay Eleazar pinaiimbestigahan na niya kung bakit nanatili sa serbisyo ang nasabing pulis. Inaalam na rin sa ngayon kung sino ang mga kasabwat ni Bunagan.
Lumilitaw na una nang nagkaroon ng kaso noong Abril 8, 2020 si Bunagan. Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang PNP applicant ng Barangay Kaligayahan, Novaliches, Quezon City
Pinapangakuan umano ni Bunagan ang mga mga aplikante na may mga problema sa kalusugan ay makakapasa sa medical examination kapalit ng P100,000.00- P150,000 na bayad.
“Sobrang tapang din ng hiya nito na nahuli na dati at nabuko, nakasuhan pa. Pero hindi pa rin tumigil sa kabulastugan,” ani Eleazar.
Si Bunagan ay kasakuluyang nakakulong sa detention facility ng IMEG sa Camp Crame at nahaharap sa kasong paglabag a RA 11032.