MANILA, Philippines — Nagsisiksikan ngayon sa mga evacuation sites ang higit sa isanlibong pamilya makaraang matupok ang kanilang mga tahanan sa Port Area, Maynila ng isang malaking sunog na sumiklab noong Miyerkules ng hapon.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-5:45 ng hapon nang unang sumiklab ang apoy sa residential area na pawang gawa sa light materials sa likuran ng Philippine Red Cross-Manila sa Port Area, ng naturang lungsod.
Dakong alas-6:03 ng Miyerkules ng gabi nang tumaas sa ikatlong alarma ang sunog at nagawa lamang makontrol sa pagkalat ng mga bumbero dakong alas-7:44 ng gabi. Tuluyang napatay ang apoy dakong alas-2:26 na ng Huwebes ng madaling araw.
Sa clearing operation, natagpuan ang bangkay ng isang residente na kinilalang si Ricky Sebastian, 40-anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa apat na palapag na barung-barong na pag-aari ng isang Hadji Usman, alyas “Junior”. Dahil sa gawa sa light materials ang mga bahay, agad na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.
Tinatayang nasa 300 hanggang 500 bahay ang natupok kung saan nasa 1,000 hanggang 1,300 pamilya ang apektado. Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng apoy.