MANILA, Philippines — Drive thru-community pantry ang itinayo ng Manila Police District Station 4 sa Sampaloc, Maynila para sa mga tsuper bilang tulong at pasasalamat sa kanila kasabay sa pagdiriwang kahapon ng Labor Day.
Sinabi ni P/Capt. Philipp Ines, Administrative officer ng Sampaloc Police Station, target nilang mabigyan ng ayuda ang mga jeepney, taxi at tricycle drivers kung saan lahat ng dumaan sa drive thru ay nabigyan ng libreng almusal at ayudang food packs.
May mga driver din na pumila at hindi na muna dinala ang kanilang sasakyan, pero pasok pa rin sila sa ayuda.
“Meron po silang sopas, itlog, tinapay at bottled water at kasama na rin po ang aming food packs: bigas, noodles at canned goods,”ayon kay Ines.
Tanda umano ito ng pagsaludo sa mga uring manggagawa sa sektor ng transportasyon kung saan kinilala ang ambag nila sa lipunan.
Bukod sa ayuda, nagpa-raffle rin sa mga tsuper at ang premyo ay katumbas ng kanilang boundary sa isang araw. Kaya marami ang natuwa dahil malaking bagay na anila ang mga ibinigay sa kanila.