Pag-IBIG Fund home loan, umabot ng P20.94 bilyon

Mas mataas ng 33% sa kabila ng pandemya

MANILA, Philippines — Naglabas ang Pag-IBIG Fund ng P20.94 bilyong home loans sa unang bahagi ng taong 2021.

Ayon sa ahensiya, ito ay mas mataas ng 33% o P5.17 bilyon kumpara sa P15.77 bilyong home loans lamang na nailabas nila sa kaha­lintulad na panahon noong taong 2020, sa kabila ng nararanasang pandemya ng COVID-19.

“We are happy to report that our home loan releases in the first three months of 2021 have increased compared to the same period last year. This increase in our home loan releases means that more Filipino workers are being helped by Pag-IBIG Fund to secure their own homes, which is very important at this time of pandemic. We recognize the role we play in helping keep our members safe in their own homes, as we heed President Rodrigo Duterte’s call for government agencies to provide social benefits to more Filipinos, especially du­ring these challenging times,” pahayag ni Secretary Eduardo D. del Rosario, na siyang head ng Department of Human Settlements and Urban Development, at ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees.

Idinagdag pa ni Del Rosario na nakatulong ang naturang P20.94 bilyong home loans upang magkaroon ng sarili nilang tahanan ang may 20,712 miyembro nito nitong unang bahagi ng taon.

Nabatid na sa naturang kabuuang halaga, P2.2 bil­yon ang ini-release bilang socialized home loans para sa kapakinabangan ng 5,074 Pag-IBIG Fund members na kabilang sa minimum-wage at low-income sectors.

Ayon naman kay Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy P. Moti, kahit pa sukatin kumpara sa panahon bago ang implementasyon ng community quarantines, mayroon pa rin aniyang increase o pagtaas sa home loans.

Naglabas ang ahensiya ng P15.49 bilyong home loans mula Enero 1 hanggang Marso 15 ngayong taon, na mas mataas ng P546.97 milyon o 3.7%  mula sa P14.94 bilyong inilabas nila sa kahalintulad na petsa noong 2020 kung kailan hindi pa napapatupad ang istriktong community qua­rantines sa Metro Manila at iba pang panig ng Luzon.

Kumpiyansa naman si Moti na ang naturang numero ay lalo pang tataas, partikular na ngayong tuluy-tuloy nang nagbubukas ang ekonomiya ng bansa.

Show comments