MANILA, Philippines — Arestado ang dalawang construction worker matapos makuhanan ng shabu nang pumalag at takbuhan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint habang magkaangkas sa motorsiklo, sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga naarestong suspek na si Melvin Evangelista, 29, at Lord Erwin Demillo, 25, kapwa ng Disiplina Village, Brgy. Bignay.
Sa imbestigasyon ni PSSg Carlos Erasquin Jr., dakong alas-7:50 ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 7, Bignay sa kahabaan ng Gulod St. nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo.
Gayunman, hindi umano nakipagtulungan at pumalag saka tumakas ang mga suspek subalit, kaagad naman silang napigilan at naaresto ni PSSg Gilbert Orellanoat PSSg Richard Cruz.
Nang kapkapan, nakuha kay Evangelista ang smartphone na naglalaman ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, cigarette box na naglalaman ng 7 plastic sachets ng hinihinalang shabu, P240 cash at ang motorsiklo, habang narekober naman kay Demillo ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu at isang cellphone.
Nadiskubre rin ng pulisya na walang driver license si Evangelista habang nagmamaneho ng motorsiklo at inisyuhan din sila ng Ordinace Violation Receipt dahil sa paglabag sa quarantine curfew.