MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa kanyang bahay sa Batasan Hills sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Luis Valero.
Ayon sa imbestigasyon, sinabi ng misis ng nasawi na nakilalang si Tessie, na natutulog na sila dakong alas- 11 ng gabi sa ikalawang palapag ng kanilang bahay sa residential Road sa Batasan Hills nang biglang pumasok ang tatlong armadong lalaki.
Nagawa pa umano na gisingin ng mga ito ang kanyang mister at saka kinaladkad pababa ng bahay. Kasunod na nito ang pag-alingawngaw ng sunud-sunod na putok ng baril.
Pagbaba umano niya ng bahay ay nakita na niya ang duguang mister at wala nang buhay habang mabilis na tumakas ang mga salarin.
Binanggit pa nito na wala siyang alam na kaaway ang mister.
Lumalabas pa sa report na dati na umanong nasangkot sa ilegal na droga ang nasawi na ayon naman sa kanyang kaanak ay walang katotohanan at planted lang ang nakuhang droga ditonoon.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at pagtukoy sa mga salarin.