Dahil sa pandemya
MANILA, Philippines — Walang magaganap na aktibidad para sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila, sa naging anunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno, kamakalawa.
Sa ilalim ng Executive Order No. 4 series of 2021, iniutos ni Moreno na walang “dragon dance, street party, stage show, parade or any other similar activity” na magaganap para sa selebrasyon ng Pebrero 11 at 12 ng Chinese New Year.
Nakasaad din na bawal ang pagbebenta ng alak sa Binondo Chinatown sa nasabing mga araw.
Anang alkalde: “There is a compelling need for the city to cancel any and all activities to celebrate Chinese New Year” to avoid a new outbreak of COVID-19.”
Ginawa aniya, ang pagkansela sa mga aktibidad upang hindi mapunta sa wala ang mga ginawang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan sa pagkakaroon ng pandemya.
“The activities during the (Chinese) New Year celebration, if not cancelled, can be surely an easy medium of COVID-19 spread and transmission, thereby endangering the health, well-being and safety not only of residents but also their visitors who will join them in the celebration,” ani Moreno.
Bukod sa pagbabawal sa pagbenta ng alak at nakalalasing na inumin sa erya, ipinagbawal din ni Moreno ang paggamit ng firecracker at pyrotechnic devices sa nabanggit na okasyon.
Ipinaalala niya rin sa publiko na huwag suwayin ang City Ordinance No. 5555 na nagbabawal sa pag-iinuman sa pampublikong lugar lalo na sa bangketa at mga kalsada.
“All barangay officials of the city are hereby directed to take the necessary measures to ensure the effective and efficient implementation of this executive order,” aniya.