MANILA, Philippines — Sinimulan nang ipatupad ng Quezon City go-vernment ang partial truck ban sa kahabaan ng Visayas at Mindanao Avenue upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa naturang mga lugar lalo na tuwing rush hour.
Ito ay makaraang aprubahan at pirmahan ni QC Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2984, S-2020 na nagbabawal sa mga trucks at mga heavy vehicles na dumaan sa naturang mga lugar mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at mula alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
“Naging paborito nang daanan ng truck ang mga nasabing kalsada dahil mas madali silang nakararating sa iba’t ibang lugar sa Kamaynilaan, subalit nauuwi naman ito sa pagsisikip ng daloy ng trapiko, lalo na tuwing rush hour, na nakakaabala sa ibang mga motorista pati na sa commuter. Kaya nagpasya tayong magpatupad ng partial truck ban,” pahayag ni Belmonte.
Sakop ng ban ang mga six wheeler trucks at higit pa at iba pang sasakyan na na-classify ng Land Transportation Office (LTO) bilang heavy vehicles tulad ng mga bus.
Wala namang truck ban kapag araw ng Linggo at declared regular o special holidays.
Exempted sa probisyon ng ordinansa ang fire trucks, garbage/hauling/dump truck, police/military truck at iba pang katulad na sasakyan na nakakontrata sa gobyerno na kailangang magserbisyo sa publiko.
Papatawan ng P5,000 multa o pagkakulong ng isang taon ang lalabag sa naturang ordinansa.
Inatasan ng ordinansa ang Department of Public Order and Safety (DPOS), Quezon City Police District (QCPD) Traffic Department at miyembro ng MMDA na istriktong ipatupad ang partial truck ban.