MANILA, Philippines — Inaresto ng mga pulisya ang isang aktibista at trade union organizer na nakuhanan ng pampasabog, mga baril at mga bala sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Dinakip sa kanyang bahay sa Lagro, Quezon City ang aktibistang si Dennisse Velasco, 43.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ni Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert.
Ayon sa testimonya ng asawa ni Dennisse na si Dianne, pinadapa umano sila ng mga pulis at makalipas ang sandali ay agad naghalughog ang mga awtoridad sa loob ng kanilang tahanan.
Itinanim lang umano ang mga nakuhang ebidensya.
Gayunman, ayon sa PNP ginawa lang nila ang kanilang tungkulin sa pagse-serve sa search warrant at nanindigan na wala silang nalabag sa ginawang operasyon.
Sinabi naman ni PLt. Johanna Sazon, QCPD PIO Chief, dinala na sa CIDG-NCR ang kaso ni Velasco upang doon iproseso ang pagdadala sa kanya sa korte.