MANILA, Philippines — Tatlong ginang na pawang itinuturing na mga high-value individual (HVI) ang inaresto ng mga awtoridad matapos na mahulihan ng mahigit P36 milyong halaga ng shabu sa isinagawang combined buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. Gen. Ronnie Montejo ang mga naarestong suspek na sina Anabel Natividad, alyas Anabel Mayol, 52; Teresita Daan, 52; at Riza Aguiton, 43, pawang residente ng Brgy. Molino III, Bacoor City, Cavite.
Batay sa ulat, dakong alas-10:45 ng gabi nang maaresto ang mga suspek nang pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng QCPD-Cubao Police Station; Regional Intelligence Division (RID) ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), Regional Special Operations Unit (RSOU) ng PRO-4A at Bacoor City Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforement Agency (PDEA)-National Operation Center (NOC), sa isang buy-bust sa Block 4, Lot 8, Carson Camilla, Brgy. Molino III.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang pulisya hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek kaya’t kaagad na ikinasa ang buy-bust.
Isang undercover cop ang umaktong poseur buyer at bumili ng P245,000 halaga ng shabu mula sa mga suspek.
Nang magpositibo ang transaksiyon, kaagad na dinakip ang mga suspek habang nakatakas naman ang isa pa nilang kasamahan na nakilalang si Raffy Aguiton, matapos na magawa nitong makasakay ng kanyang motorsiklo at kaagad na humarurot palayo sa lugar.
Bukod sa buy-bust money, narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang may limang kilo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P36,040,000 at isang Ford Raptor na may plakang NFW-3283.
Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.