MANILA, Philippines — Anim na kalalakihan ang dinakip matapos na kuyugin ang tatlong pulis na nagsasagawa ng imbestigasyon sa isang vehicular accident kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Kabilang sa mga inaresto at sinampahan ng kasong Direct Assault sina Reymund Dreu, kapatid na sina Richard, 36 at Joshua, 24; Roberto Villas, 28; Mark Jovin Grajo, 29, at Edel Estibal, 26, habang nakatakas si Arwin Laruga.
Lumabas sa imbestigasyon na pauwi na si P/Cpl. Jayvee Rommel Vicencio sakay ng kanyang motorsiklo nang madaanan niya sa harap ng Serenity Cemetery sa Congress Road, Brgy. 171 ang isang lalaking nakabulagta na bumangga sa pader ang minamanehong motorsiklo dakong alas-2:30 ng madaling araw.
Huminto si Vicencio at tumawag sa Caloocan Traffic Management Unit para sa responde. Dito lumapit ang dalawang lasing na sina Reymund Dreu, 30, ng Cefels Deparo 2 at Arwin Laruga ng Brgy. Camarin at sinita ang pulis kung bakit nakikialam.
Nagpakilala umanong pulis si Vicencio at sinabihan ang dalawa na huwag makialam na naging dahilan upang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Umalis sa lugar si Laruga nang dumating sina Cpl. Froilan Dela Rosa at Cpl. Dennis Michael Natividad, kapwa traffic investigators upang magsagawa ng pagsisiyasat subalit kaagad ding bumalik, kasama ang limang kalalakihan na sina Richard, Joshua; Roberto; Mark at Edel.
Dito na kinuyog at pinagsusuntok ng mga kalalakihan ang tatlong pulis at dahil higit na marami ang mga kalalakihan, binunot ng mga pulis ang kanilang service firearm kaya’t napilitang umatras ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.