MANILA, Philippines — Umapela sa kaniyang constituents si Taguig City Mayor Lino Cayetano na ipagpatuloy lamang ang pagiging disiplinado at pakikipagtulungan upang mapanatili ang lungsod sa isa sa may pinakamababang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Gayunman, sa kabila nito tulad aniya, sa ibang siyudad , nahaharap din sa hamon ang ilan tulad ng pagkaka-aresto sa 16 na indibiduwal na nag-iinuman sa isang party, sa Brgy. Lower Bicutan, Taguig noong nakalipas na linggo dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Pinasalamatan ng alkalde si COVID Shield Task Force Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar at kay Taguig City Police Station, chief P/Colonle Celso Rodriguez sa pagdakip sa 16 na violators ng City Ordinance No. 27-89 na nagbabawal sa pag-inom sa pampublikong lugar. Kinasuhan din sila ng paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code dahil sa resistance at disobedience to a person in authority.
Mas paiigtingin pa ang paghabol sa mga lalabag sa health and safety protocols sa binuong 1,000 miyembro “Tapang Malasakit Disiplina” team na tutulong sa kapulisan sa pagpapatupad ng new normal ordinance ng lungsod upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19. Sila ay mamimigay ng libreng face masks at face shields sa mga walang suot subalit babalikan sila ng mga ito upang hulihin kung ‘di pa rin susunod sa health protocols.