Bebot tinodas sa loob ng UP campus
MANILA, Philippines — Patay ang isang hindi pa nakikilalang babae makaraang pagbabarilin sa bahagi sa UP Campus sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay tinatayang nasa edad 35- 40, may taas na 5’2, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng New York Los Angeles black-shirt at blue shorts.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-3:11 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa service road ng Katipunan Avenue sa harapan ng UP Campus sa Quezon City.
Ayon sa imbestigador na si S/Sg Julius Raz, nagpapatrulya umano sina MMDA traffic enforcer Arturo Toledo at Richard Franco sakay ng motorsiklo nang maispatan ang duguang nakahandusay na katawan ng babae sa nasabing lugar.
Agad namang nagresponde ang SOCO team sa pamumuno ni PLt. Michael Jabel at nasamsam sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng caliber .45.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang biktima at mga salarin at mabatid ang motibo ng krimen.
- Latest