MANILA, Philippines — Dead on the spot ang isang 39-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng tatlong lalaki habang nakaupo sa harapan ng kaniyang barung-barong, sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan ang biktimang kinilalang si Rolly Colo ng Block 15-A , Baseco Compound.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa tatlong suspek na pawang nakasuot ng itim na jacket, itim na sumbrero at face masks.
Sa ulat ni P/Staff Sgt. Erickson Aguilar kay Manila Police District-Homicide chief, P/Major Henry Navarro, dakong alas- 2:30 ng madaling araw kahapon nang maganap ang krimen sa harap ng bahay ng biktima.
Samantala, sa beripikasyon, natukoy na ang biktima ay dati nang nakulong sa homicide section kaugnay sa pagkamatay ng mag-asawang Norlito Purification at isang alyas Gelyn, na naganap sa Block 15-A, Baseco Compound, noong Abril 29, 2020.
Patuloy pang iniimbestigahan ang kaso.