MANILA, Philippines — Pinaiimbestigahan ni Malabon City Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta III ang isyu ng tampering sa enrollment ng mga estudyante at ilan pang anomalya sa City of Malabon University (CMU).
Ayon kay Oreta, marami na siyang natatanggap na report hinggil sa umano’y mga kalokohan at anomalya sa CMU na kinasasangkutan ng mga CMU officials.
Aniya, ngayong nalalapit na ang pasukan posible umanong pinagkakakitaan ng ilan ang enrollment at nawawala ang mga karapat-dapat na makapasok sa CMU.
Sa kanyang direktiba, inatasan ni Oreta ang City Legal Office na magsagawa ng imbestigasyon upang malaman ang katotohanan sa likod ng mga negatibong report.
Hindi naman niya kukunsintihin at irerekomenda niya ang pagsasampa ng kaso sakaling mapapatunayan ang tiwaling gawain ng mga CMU officials.
Nabatid na unang nakarating sa kaalaman ni Oreta ang hinggil sa extortion activities na pinangungunahan ng ilang CMU official na ang mga biktima’y mga school supplier at estudyante.
Napag-alaman din ni Oreta na may mga school supply at equipment ang nawawala dahil sa hindi maipaliwanag na nakawan sa loob ng eskuwelahan.
Dagdag pa ni Oreta, ginagawa ng city government ang lahat upang mabigyan ng kalidad na serbisyo at edukasyon ang mga estudyante kaya walang puwang sa gobyerno ang mga mapagsamantala.