MANILA, Philippines — Tatlong hinihinalang arsonists ang inaresto ng mismong kanilang landlord nang tangkaing sunugin ang inupahang silid sa Brgy. Cembo, Makati City, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga dinakip na sina Gerald Derder Nierras, 27; Renalyn Martin, 37 at Eduardo Arpon, 38.
Nasa kostudiya na ng Makati Fire Department ang mga suspek para sa imbestigasyon sa reklamong frustrated arson ng complainant na si Richard Allan De Villa, 28, ng Guiho St., MCDA Compound, Brgy. Cembo, Makati City.
Naganap ang tangkang pagsunog sa bahay ni De Villa alas -11:05 ng umaga kamakalawa sa nabanggit na lugar. Narekober mula sa mga suspek ang 7 gallon ng gasolina, 1 LPG tank, 6 na palito ng posporo na nakakabit sa katol at 2 spray bottles ng butane gas.
Ayon sa complainant, ang mga suspek ay umuupa sa isang kuwarto sa kanyang bahay.
Martes (Hunyo 16) nang umaga nang maamoy niya ang nasusunog na katol mula sa silid ng mga suspek kaya sinilip niya ito sa butas.
Nasorpresa siya nang makita sa loob ng silid ng mga suspek ang mga galon ng gasolina at iba pang flammable materials sa tabi ng nasusunog na katol kaya agad niyang sinita at pinigil bago humingi ng police assistance sa Makati Police Sub Station 8.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente at inaalam ang posibleng motibo sa umano’y tangkang panununog.