MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa pamilya ng nasawing si Michelle Silvertino na aasikasuhin nila ang paglilipat ng bangkay kung nanaisin na madala ito sa Camarines Sur.
Nabatid na personal na nakausap ni Mayor Emi ang ina ni Michelle na si Gng. Marlyn Silvertino at ipinara-ting ang kanyang pakikidalamhati.
Nangako ng tulong kay Nanay Marlyn ang alkalde sa assistance na maipagkakaloob mula sa lokal na pamahalaan.
Isang civic organization din aniya, ang tumawag sa kanya na handang magkaloob ng educational assistance sa naulilang apat na anak ni Michelle.
Ipinaliwanag naman ng alkalde sa ina ni Michelle na kailangan pang maghintay ng 3-5 taon bago pa maipahukay ang bangkay sa sementeryo sa lungsod batay na rin sa isinasaad ng Presidential Decree No. 856 o Sanitation Code na hindi maari ang exhumation kung kalilibing pa lang.
Nakasaad din sa nasa-bing batas na matapos ang exhumation, kailangang madisinfect at isilid sa selyadong kabaong, case o kahon, may pagkilanlan ng bangkay, petsa at kung anong sanhi ng kamatayan at lugar kung saan muli itong ililibing.
Una nang sinabi ng nakababatang kapatid ni Michelle na si Josie Silvertino na hindi sila gumastos sa Pasay City General Hospital, Pasay Cemetery at Malaya Funeral Servies dahil sinagot na ito ng Pasay City Government.
Si Michelle ang single mom na apat na araw na naghintay ng masasakyan bus sa Pasay pauwi sa lalawigan. Sa ilalim ito ng footbridge nanatili hanggang sa dapuan ng karamdaman at masawi.