MANILA, Philippines — Timbog ang isang barangay tanod matapos na mahulihan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu sa isang buy-bust operation sa Brgy. UP Campus, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, B/Gen Ronnie Montejo ang suspek na si Teng Macalbog, 47, ng Brgy. Maharlika, Taguig City.
Ayon kay Montejo, si Macalbog at naaresto ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) dakong alas-5:20 ng madaling araw sa Katipunan Avenue, malapit sa kanto ng CP Garcia Ave., sa Brgy. UP Campus.
Ayon kay DDEU Chief, PMAJ Timothy Aniway Jr., bago ang pag-aresto ay nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang confidential informant hinggil sa pagbebenta ng ilegal na droga ng suspek.
Kaagad naman umanong ikinasa ang buy-bust operation, kung saan isang pulis ang umaktong poseur buyer at bumili ng P300,000 halaga ng shabu mula sa suspek.
Nang magpositibo ang transaksiyon ay kaagad na inaresto ang suspek na nakumpiskahan ng 150 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,020,000, isang cellular phone, isang matte black Yamaha Mio Soul motorcycle at ang buy-bust money.
Ang suspek ay detenido na at sasampahan ng ka-song paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.