Rider naipit sa van, patay

MANILA, Philippines — Patay ang isang motorcycle rider nang mabangga at maipit ng isang van habang binabagtas ang southbound lane ng C5 Road sa Brgy. Ugong, Pasig City, ka­hapon ng hapon.

Naisugod pa sa The Me­dical City ang biktimang nakilalang si Paul Michael Salvio, 22, ngunit idineklara ring patay ng mga doktor.

Samantala, arestado at kasalukuyan nang nakapiit sa Pasig City Police ang suspek na si Alberto Dugando, 64.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:30 ng hapon, nang maganap ang aksidente sa southbound ng C5 Road.

Sakay umano si Salvio ng isang Yamaha Mio I 125 habang minamaneho naman ni Dugando ang isang Hyundai Starex Van sa naturang lugar, nang bigla na lang masagi ng unahang bahagi ng van ang hulihang bahagi ng motorsiklo ng biktima.

Nakaladkad pa umano ang motorsiklo at huminto lamang nang bumangga sa isang konkretong poste, kung saan naipit ang biktima, na nagdulot ng matinding pinsala sa kanyang ulo at katawan.

Rumesponde naman ang mga awtoridad at isi­nugod ang biktima sa pa­gamutan ngunit binawian rin ng buhay.

Show comments