Sampaloc isasailalim sa total lockdown

Kinumpirma ni MPD Director PBGen Rolando Miranda ang total lockdown dahil sa mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Sampaloc.
Philstar.com/ Irish Lising/ File

MANILA, Philippines — Nakatakdang isailalim sa ‘total lockdown’ ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at Manila Police District ang Sampaloc District dito upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng coronavirus disease sa lugar.

Kinumpirma ni MPD Director PBGen Rolando Miranda ang total lockdown dahil sa mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Sampaloc.

“Totoo na magla-lockdown tayo sa Sampaloc, pero wala pang definite date, siguro pagkatapos na makapagbigay ng ayuda ni Mayor (Isko Moreno), mag-a-announce na s’ya,” ayon sa text message ni Miranda sa PSNgayon.

Sa update ng Manila Public Information Office kama­kalawa ng hapon, may 432 positibong kaso ng COVID sa lunsod, 601 ang suspected habang isa pa lamang ang Probable dahil sa inaayos pa ang mga datos.

Sa bilang na ito, pinakamarami ang naitala sa Sampaloc na may 95 positive cases at 145 suspected.

May 47 pasyente na rin ang naitalang namatay sa Maynila at 56 ang nakarekober sa sakit.

Nabatid na kapag nagpatupad ng total lockdown, isasarado ang buong lugar at walang makakapasok at walang makakalabas na mga tao maliban sa mga frontliners at may mga exemptions. Mahigpit ang pagpapanatili ng tao sa loob ng mga bahay habang posible ring ipasara ang mga tindahan.

Show comments