MANILA, Philippines — Timbog ng mga awtoridad ang dalawang pekeng pulis sa inilatag na quarantine checkpoint ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Ronnie S. Montejo ang mga nadakip na sina Henry B. Ysulat Jr., 29, at Joselito Luz, 54, family driver.
Unang nadakip si Ysulat, dakong alas-3:30 ng hapon sa checkpoint sa boundary ng Payatas Road malapit sa Montalban/Rodriguez sakay ng magenta Mio Sporty motorcycle at nakasuot ng police General Office Attire (GOA) uniform.
Nagpakilala umano si Ysulat bilang police officer at nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG), subalit nang beripikahin ay wala itong naipakitang PNP identification at wala ring driver’s license.
Nang makapkapan ay nakumpiska sa kaniya ang caliber 9mm Pistol Browning Arms Company Morgan, Utah & Montreal with Serial No. 64523, 32 piraso ng mga bala, anim na bala ng cal. .45 na nakalagay sa firearm holster, isang handheld radio, iba’t ibang identification cards na may pangalan niya, blue cellular phone, handcuff, brown vest na may “PULIS” markings at Yamaha Mio Sporty Motorcycle na may MV File no. 1301-00000836840.
Sinabi naman ng suspek na ang mga nakumpiska sa kaniyang mga baril at bala, maging ang police uniform ay pag-aari ng kaniyang kamag-anak na retiradong pulis.
Sumunod na nadakip si Luz bandang alas-6:10 ng hapon, sakay ng kulay gray Suzuki APV (UOZ 147) nang dumaan sa checkpoint sa Batasan-San Mateo Rd. Brgy. Batasan.
Nakasuot ng police upper athletic shirt ang suspek at nagpakilalang pulis subalit nang hingan ng ID at lisensiya ay wala itong naipakita at sa halip ay ang traffic violation receipt ang ibinigay. Nang kapkapan ay nakuha sa kaniya ang shabu na nagkakahalaga ng P2,500. Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang dalawa.