MANILA, Philippines — Binalaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga Barangay Chairman na mananagot sa kaniya kung mapapatunayan na sangkot sila sa pagre-repack ng mga food boxes na ibinibigay ng Pamahalaang Lungsod sa mga pamilya.
Sa kaniyang Facebook Live, sinabi ni Moreno na may napansin silang listahan ng barangay na 25 ang nakapangalan ngunit galing sa iisang pamilya.
“Nananawagan ako sa mga chairman, ayusin niyo po. Sa bawat pagnanais, pag-aasam at pagiging makasarili, at nililista niyo isang pangalan, 25 na pangalan (pero mula sa) iisang pamilya---sa bawat box na makukuha niyo, may mga pamilya naman ang mawawalan,” dagdan ng alkalde.
Kapag napatunayang may mali ang isang opisyal ng barangay, kaniyang kakasuhan ang mga ito sa korte at irereklamo sa Commission on Audit lalo na kung pera ng taumbayan ang ipinagkait.
Sinabi pa niya na kailangang pairalin ng mga opisyal sa pamahalaan ang malasakit sa kapwa at huwag mang-iiwan ng mga pamilya.
“Sa pangkalahatan, suriin niyo maigi iyong binibigay niyong listahan ng pamilya. Ang bilin ko, wag niyo isipin kung botante, bawat pamilya, ibilang natin. Iyon ang polisiya,” giit ni Moreno.
Dapat umanong maging pantay-pantay ang lahat, mahirap o middle class man dahil lahat ay nagugutom at kailangang kumain.