MANILA, Philippines — Kooperasyon ng bawat isa ang magliligtas sa bawat isa at hindi ang pagiging suwapang at pananamantala sa kapwa para sa sarili lamang ngayong nahaharap ang bansa sa krisis ng coronavirus diseases 2019.
Ito ang apela ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief, Police Major General Debold Sinas sa mga negosyante na hindi nagpapa-awat sa kanilang gawain matapos may maaresto na namang dalawa katao sa pagbebenta ng overpriced na alcohol sa gitna ng kakapusan ng suplay nito.
“We have long heard the saying that the only thing that will redeem mankind is cooperation. This is a saying which we must think about as we face the hurdles of this pandemic. There is no way that we can save ourselves by being greedy. That will only worsen our situation. Cooperation is the key. With strong cooperation and collaboration of efforts, there is nothing we can’t achieve”, pahayag ni Sinas.
Sa ulat ng Southern Police District Las-Piñas City Police Station, inaresto ang mga suspek na kinilalang sina Jeaven Jean Gloria, 30 at Rica Rose Bag-Ao , 31.
Nakarating ang impormasyon sa Las Pinas Intelligence Section at Special Operations Unit Follow-up Section kaya ikinasa ang operasyon laban sa dalawang babae sa pagbebenta ng Green Cross Sanitizers at sprays na doble ang halaga sa standard price nito.
Sa entrapment operation nitong Marso 21, dakong alas-5:40 ng hapon nang maaresto sa Gatchalian Subdivision, Brgy. Manuyo Dos, Las Piñas City ang mga suspek kung saan natukoy na ang 250 ml. bottle ng Green Cross alcohol ay ibenebenta ng P90.00 ang bawat isa , na doble sa standard price nito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code dahil sa pagpapakita ng resistance at disobedience sa mga operatiba habang inihahanda pa ang ihahaing kaso kaugnay sa overpricing ng essential products habang umiiral ang State of Public Health Emergency.