MANILA, Philippines — Nagtamo ng mga paso sa braso ang tatlong barangay tanod makaraang sabuyan sila ng asido ng isang lalaki na kanilang sinita dahil sa paglabag sa ipinatutupad na ‘curfew’ kaugnay ng ‘enhanced community quarantine’ sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Nakakulong ngayon sa Makati City Police Station Detention Cell ang suspek na si Charles Galicia, alyas Gian, 41, walang trabaho at nakatira sa Brgy. Cembo, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Makati City Police, nagpapatrulya sa may Kalayaan Avenue sa Brgy. Cembo ang mga barangay tanod na sina Manuel De, Eugenio Umayam Jr. at Hepolito Espinosa Jr., dakong alas-11:55 ng gabi nang mapansin si Galicia na pagala-gala sa naturang lugar.
Nang kanilang sitahin at pauwiin, patuloy na naglakad lamang ang suspek hanggang pigilan nila ito. Dito isinaboy ng suspek ang dala-dala niyang muriatic acid sa mga tanod na nagawang makaiwas ngunit tinamaan pa rin sila sa braso sanhi para magtamo ng paso at bahagyang masira ang kanilang mga uniporme. Pinagtulungan na ng mga tanod na arestuhin ang suspek na agad nilang dinala sa Makati Sub-Station 8.
Inilipat siya sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) na siyang magsasampa sa suspek ng mga kasong Direct Assault, Disobedience upon Persons in Authority at paglabag sa Executive Order No. 10 kaugnay ng Enhanced Community Quarantine.