MANILA, Philippines — Umaabot sa pitong mga doktor na karamihan ay nasa line of duty ang nagpositibo sa coronavirus sa Quezon City.
Ito ang iniulat ni Dr. Rolly Cruz, hepe ng Epidemiology and Surveilance Disease Department sa QC kasabay nang pagsasabing umaabot na sa 44 cases mayroon sa lungsod hanggang kahapon ng alas-10 ng umaga.
Nanatili namang 5 ang gumaling sa sakit at dalawa ang namatay na mula sa Brgy. Matandang Balara at Brgy. Del Monte.
Anya, tig- iisang kaso ang nadagdag mula sa Brgys. Tatalon, Masagana, Bungad at Ramon Magsaysay.
Kaugnay nito, patuloy naman ang pamamahagi ng food packs ng QC government sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte at barangay chairmen sa iba’t- ibang barangay sa lungsod.
Ayon kay Belmonte, walang dapat ikabahala ang mahihirap na pamilya sa lungsod dahil ang lahat sa 143 barangays ay mabibigyan ng suplay ng pagkain mula sa lokal na pamahalaan.
Umaabot sa halos 500,000 pamilya o may 2 milyong katao ang target ni Belmonte na pagkalooban ng food packs kada linggo hanggang sa sumapit ang last day ng community quarantine sa April 14.
Ang pondong inilaan sa pagkain ay mula sa P400 milyong inaprubahan ng QC Council para gamitin sa COVID-19 programs kasama na ang pagbili ng mga pasilidad at gamit ng mga frontliners, gamit sa disinfection sa mga barangay sa lunsod, mga paaralan at city buildings at ibang gamit na pangangailangan ng mga QC run.
Patuloy na nananawagan si Mayor Belmonte sa mga residente na manatili na lamang ang mga ito sa kanilang mga tahanan para makaiwas na mahawa sa virus.