MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Interior Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police na busisiin ang umano’y paglitaw ng may 3,000 miyembro ng China’s People’s Liberation Army (PLA) sa bansa na sinasabing nagkukunwaring mga empleyado ng Philippine Online Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ayon kay Año , bahagi ng trabaho rito ng pulisya na malaman kung may banta sa seguridad ng bansa ang ulat na ito.
“We are having meetings with the Chinese Embassy, through their so-called military attache, and this matter is being discussed,” pahayag ni Año
Ang kautusan ay ginawa ni Año nang ibunyag ni Senador Panfilo Lacson na may 3,000 tauhan ng PLA ng China ang nasa Pilipinas ngayon makaraan ang dalawang Chinese na suspek sa pamamaril sa Makati ay nakitaan ng PLA identification cards.
“So we’re checking if it is really true that they carried PLA IDs, and if all these information threaten our national security,” pahayag ni Año.
Binigyang diin ng Kalihim na bagamat ang pamahalaan ay may namamagitang ugnayan sa Chinese government kontra kriminalidad, ang pagkakaroon ng PLA ID cards sa mga Chinese visitors ay isang bagong development.