MANILA, Philippines — Isinalang sa drug test at polygraphic test ang aabot sa 356 pulis na kabilang sa drug watchlist ni Pangulong Rodrigo Duterte habang sumasailalim ang mga ito sa masusing imbestigasyon.
Una nang ipinag-utos ni PNP Chief Police General Archie Gamboa ang pagsailalim sa masusing balidasyon ng 356 mga pulis na isinasangkot sa ilegal na droga.
Tumanggi naman si Gamboa na tukuyin kung ano ang mga pinagdadaanang proseso lalo na kung isasailalim ang mga ‘narco cops’ sa lifestyle check.
“I do not want to divulge the mechanics, baka maunahan kami but it will be extensive based on the resources, based on the data that we have and again we will also be asking other government agencies especially if the information that led to their listing came from other government agencies”, anang PNP Chief.
Sinabi ni Gamboa sa 357 narco cops, isa dito ang namatay na kaya 356 na lamang ang kanilang iniimbestigahan habang 15 ang nag- avail ng early retirement at 43 naman ang nagsipag-AWOL (Absent Without Official Leave).
Hindi naman inihayag ni Gamboa kung ilan ang nag-positibo sa drug test pero ang lahat na dumating noong araw na ipinatawag ang mga ito sa Camp Crame ay negatibo ang resulta, habang nasa 47 ang hindi sumipot.
Paliwanag ni PNP chief ang pagsailalim sa polygraph test ang mga ‘narco cops’ ay walang probative value, ginawa nila ang nasabing hakbang bilang bahagi ng proseso sa imbestigasyon sa mga ito.
Siniguro rin ni Gamboa na magkakaroon ng hiwalay na paglilitis ang nasa 43 nagsipag-AWOL na mga parak na isinasangkot sa illegal drug trade.