MANILA, Philippines — Nagsimula nang magpaabot ng tulong ang ilang lokal na pamahalaan sa Metro Manila habang nakatakdang sumunod ang iba pa sa mga komunidad na apektado sa pagsabog ng bulkang Taal kasunod ng panawagan ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC).
Tatlong delivery van ng pagkain, hygiene kits at senior citizen kits ang ipinadala nitong Miyerkules ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan. Bigas at iba pang pangangailangan tulad ng bottled water ang ibinigay ng Parañaque City LGU habang relief goods rin naman ang ipinamahagi ng Malabon at Marikina LGU sa mga nasa evacuation centers.
Inaprubahan naman ng San Juan City Disaster Risk Reduction and Management Council ang paglipat ng P2 milyon sa Batangas Provincial Risk Reduction Management Fund habang nag-donate rin ng P3 milyon ang pamahalaang lungsod ng Muntinlupa sa mga pinakaapektadong bayan at nagbigay rin ng libo-libong relief packs.
Nasa P12 milyon naman ang inaprubahan ng Valenzuela City Council na mula sa kanilang Local Disaster Risk Reduction Management Fund-Quick Response Fund para ipambibili ng mga bigas at iba pang pangangailangan ng mga evacuees.
Nagsagawa naman ng medical mission at relief operations ang Taguig City LGU sa Laurel, Batangas at nag-deliver rin ng mga pagkain, face masks, at hygiene kits sa mga inilikas habang ‘disaster response vehicles at equipment’ naman ang ipinadala ng lokal na pamahalaan ng Makati City para makatulong sa paglilikas ng mga residente sa Bauan, Batangas at para makapagbigay ng suplay ng tubig.
Nagtungo sa Tanauan, Batangas ang Quezon City DRRMO para maamahagi ng mga kumot, sleeping mats, at mobile showers para sa mga evacuees, habang ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong ay direktang nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng Batangas para sa paghahatid ng tulong.
Ikinatuwa ni Metro Manila Development Authority (MMDA) at concurrent MMDRRMC head Chairman Danilo Lim ang ginawang pagresponde ng mga siyudad sa Metro Manila sa pagtulong sa mga residente ng Batangas lalo pa’t tumataas ang bilang ng mga inililikas.
Tuloy naman ang koordinasyon sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ni MMDA Public Safety Office head Michael Salalima, bilang focal person sa Disaster Risk Reduction and Management para sa mga kailangan sa relief operations.