E-bikes sa Valenzuela, ipinaparehistro na

Kinakailangan na lahat ng E-bike na bumabagtas sa lungsod ay may sapat na side mirror, backlight at headlight, signal light, busina at registration plate.
STAR/File

MANILA, Philippines — Mahigpit nang ipatutupad ang isang regulasyon laban sa mga E-bikes (electric bicycles) sa lungsod ng Valenzuela sa susunod na taong 2020 sa layong mas maging ligtas ang mga kalsada sa mga aksidente.

Sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, simula Pebrero 2020, ipapatupad na ang implementasyon ng Ordinance No. 582, Series of 2019, o ang “E-Bike Ordinance of Valenzuela City”.

Sa ilalim ng ordinansa, ang lahat ng mga E-bike na pagmamay-ari o ginagamit ng mga residente ng lungsod Valenzuela ay dapat iparehistro sa Valenzuela City Transportation Office upang makakuha rin ng kaukulang license plate.

Kinakailangan na lahat ng E-bike na bumabagtas sa lungsod ay may sapat na side mirror, backlight at headlight, signal light, busina at registration plate.

Nakasaad din dito na ang lahat ng nagmamaneho ng E-bike ay dapat ding kumuha ng E-bike Driver’s Permit o mayroong driver’s license buhat sa Land Transportation Office (LTO).

Ilan sa dapat dalhin ay ang Barangay clearance, Voter’s ID tanda na residente ng Valenzuela o kaya anumang valid ID, katibayan ng pagsailalim sa ‘E-Bike Driver’s Professionalization Program (E-BDPP), dapat din na 17-taong gulang pataas.

Ang mga lalabag sa ordinansa ay may kaukulang multa mula P200 hanggang P1,000 at pagkaka-impound ng kanilang E-bike.

Show comments