MANILA, Philippines — Higit sa P40-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad habang tatlong kilabot ng drug trafficker ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa isang condominium building sa Parañaque City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na sina Hamodine Ibrahim, 26, isang tricycle driver, residente ng Matampay, Maharlika Village, Taguig City; Datunot Magelna, 22, ng Brgy. Sultan sa Barunguis, Maguindanao at Eric Musa, 20, vendor, residente ng Madrid 102, Kassel Residences, E. Rodriguez Ave., Brgy. Moonwalk, Parañaque City.
Ayon kay PDEA Director General Aaron Aquino, dakong alas-8:30 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation laban sa mga target sa Isabelle Grand Villas, Brgy. Moonwalk, ng naturang lungsod.
Habang isinasagawa ang transaksyon sa aktong iniaabot ng mga suspek ang shabu sa pulis na tumayong buyer ay dito na pinagdadakma ang mga suspek.
Sinabi ni Director Joel Plaza, Regional Director ng PDEA RO-NCR na bago isinagawa ang operasyon ay isinailalim sa masusing surveillance operation ang mga suspek.
Ang mga nasakoteng suspek ay nakumpiskahan ng humigit kumulang sa anim na kilo ng droga na nagkakahalaga ng P 40.8-milyon.
Nakumpiska rin mula sa mga ito ang sari-saring drug paraphernalia, mga plastic sachet na naglalaman ng shabu, tatlong unit ng cellphone, isang kulay itim na eco bag at isang piraso ng kulay itim na plastic bag at buy-bust money.