MANILA, Philippines — Isasailalim sa full alert status ang 19,000 malakas na puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng ika-51 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa darating na Disyembre 26 ng taong ito.
Ayon kay NCRPO acting director Brig. Gen. Debold Sinas paiigtingin ng kapulisan ang internal security at intelligence operations sa Metro Manila laban sa makakaliwang grupo upang tiyakin na magiging matiwasay at mapayapa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Samantalang inatasan na rin nito ang kapulisan na ipagpatuloy ang mahigpit na pagbabantay sa mga pangunahing instalasyon at economic key points gayundin sa mga matataong lugar upang hindi makapagsagawa ng anumang planong paghahasik ng terorismo ang komunistang grupo.
Nang matanong naman kung may namomonitor na anumang banta sa seguridad sa Metro Manila ang NCRPO, sinabi ng opisyal na may mga aktibo sa paglulunsad ng mga kilos protesta at demonstrasyon kung saan humahalo rito ang mga rebeldeng New Peoples Army (NPA).
“As usual naka-red alert kami riyan. In fact, sa ngayon pa lang nakahanda na kami for the International Human Rights Day and sa December 26, mag-prepare din kami for any eventualities.”, pahayag ni Sinas sa press briefing sa Quezon City Police District (QCPD) Station 10.
Ayon kay Sinas nakalatag na ang lahat ng contingency measures na bahagi ng kanilang mandato.
Sinabi ni Sinas na makatitiyak ang publiko sa kanilang seguridad ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Kaugnay nito, inihayag ni Sinas na paiigtingin din ng QCPD ang security measures sa lahat ng mga opisyal ng gobyerno na nasa Metro Manila na target ng kill plot ng New People’s Army (NPA), ang armed wing ng CPP.
“Ang gagawin namin is paigtingin ‘yung mga checkpoints at random checkpoints natin para sa mahuhuling magdala ng illegal possession of firearms “, anang opisyal.