Taas-sahod ng kasambahay sa Metro Manila inaprubahan

Ayon kay Bello, mula P3,500 ay itinaas na sa P5,000 ang minimum wage ng mga kasambahay.
STAR/File

MANILA, Philippines — Inihayag ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na inaprubahan na ng Metro Manila wage board ang pagtaas sa sahod ng mga household o kasambahay sa kalakhang Maynila.

Ayon kay Bello, mula P3,500 ay itinaas na sa P5,000 ang minimum wage ng mga kasambahay.  

“Dinagdagan po nila ng P1,500 although ang gusto ko sana P2,500 pero, ‘yun ang desisyon ng wage board siyempre, iyon ang masusunod,” ani Bello.

Magiging epektibo ito 15 araw matapos mailat­hala sa mga pahayagan sa Lunes, ani Bello. 

Sa kabila nito, ami­nado ang Labor department na kulang ang ngipin ng batas na parusahan ang mga amo na hindi susunod sa minimum wage requirement para sa mga kasambahay. 

“Medyo may ngipin sana [kung batas] lalo na minsan ‘yung amo hindi binibigyan ‘yung kaniyang kasambahay ng minimum wage... Wala kaming ganung power eh,” pagtatapat ni Bello. 

Hinikayat niyang magsumbong sa kanilang tanggapan ang mga kasambahay na kulang ang sahod pero ang kaya lang daw umano nilang gawin ay maghain ng compliant order kontra sa mga pasaway na amo.

Show comments