MANILA, Philippines — Pabor ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na magsuspinde ng klase sa lahat ng paaralan at unibersidad sa Metro Manila sa susunod na linggo.
Ito’y upang bigyang-daan ang pagdaraos sa bansa ng 30th Southeast Asian (SEA) Games na nakatakdang idaos sa bansa mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya na suportado ng departamento ang panawagang magkaroon ng class suspension sa Metro Manila upang mabawasan ang masikip na daloy ng trapiko sa buong panahon ng SEA Games, lalo na sa mga lugar na gagamiting venue sa mga palaro.
Nabatid na mayroong 19 na official venues ng SEA Games sa Metro Manila.
Una naman nang nagdeklara ng class suspension ang Arellano Law School, St. Scholastica’s College at De La Salle University-Manila mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 7 dahil sa naturang palaro.
Mula Disyembre 2 hanggang 6 naman ang class suspension sa St. Paul College Pasig at St. Pedro Poveda College.