MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang tatlong Chinese nationals na miyembro ng isang “loan shark group” makaraang dukutin ang isang Malaysian national na nangutang ng malaki sa kanila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga inaresto na sina Chang Yuan, Liu Shihui at Jiang Yong, at nanunuluyan sa Crown Bay Tower sa Roxas Boulevard, Brgy. Baclaran, ng naturang lungsod.
Nailigtas ng mga pulis ang biktima na si Chua Sai Yee, isang Malaysian national.
Sa ulat ng pulisya, una silang nakatanggap ng tawag sa telepono buhat sa isang concerned citizen at isinumbong ang naganap na pagdukot ng mga Tsino.
Dito nagkasa ng operasyon ang pulisya dakong alas-9:30 ng gabi sa condominium building sa Brgy. Baclaran na tinutuluyan ng mga suspek. Dito naabutan ng mga pulis ang mga suspek sa kanilang condo unit at natagpuan din ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na may malaking pagkakautang ang biktimang si Chua sa grupo ng mga suspek para may maipangtustos sa pagkagumon sa casino. Hindi naman makapagbayad ang biktima kaya siya dinukot.