Seal of Good Governance muling nasungkit ng Malabon

MANILA, Philippines — Sa ikatlong sunod na taon ay muling ginawaran ang Malabon City ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang SGLG ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaan na nagpamalas ng mahusay at tapat na paglilingkod. Nakatanggap din ng parehong pagkilala ang Malabon noong 2017 at 2018.

Ayon kay Mayor Lenlen Oreta, ang bagong parangal na ito ay isang patunay nang maayos at progresibong pamamalakad ng lokal na pamahalaan sa Malabon.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng ating mga naging katuwang sa pagbibigay ng isang mapagkalingang pamahalaan para sa bawat miyembro ng ating Pamilyang Malabonian. Ang bagong parangal na ito ay isang inspirasyon sa atin para mas pagbutihin pa ang ating trabaho,” saad ni Oreta.

Ang SGLG award ay iginagawad sa mga LGU na nakapasa sa mga pangunahing pamantayan sa larangan ng pangangasiwa sa pananalapi; paghahanda sa sakuna; panlipunang proteksyon; kapayapaan at kaayusan; pagkamagiliw at competitiveness ng negosyo; panganga­laga sa kapaligiran; turismo, kultura at ng sining.

 

Show comments