MANILA, Philippines — Nasa malubhang kalagayan ang isang dalaga makaraang pagpapaluin sa ulo gamit ang isang kahoy ng kanyang ama-amahan na pinapalayas ng biktima sa kanilang bahay, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Nakaratay ngayon sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital dahil sa matinding pinsala sa ulo ang biktimang si Jemeline Lozano, 25, canteen staff at nakatira sa San Isidro, Kiko, Brgy. 178 ng naturang lungsod.
Nadakip naman ng mga rumespondeng barangay tanod at pulis ang suspek na si Elmer Mahas, 57-anyos, obrero at nakatira rin sa naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-7:20 ng umaga sa loob ng kanilang bahay nang kumprontahin ng biktima ang suspek ukol sa isang sigalot sa kanilang pamilya dahil sa pagiging pasaway ng ama-amahan.
Sinabihan ni Lozano ang ina na palayasin sa kanilang bahay ang suspek at huwag nang pabalikin. Dito kumuha ng kahoy ang suspek at paulit-ulit na pinalo sa ulo ng dalaga habang sinasabing papatayin niya ito.
Tuluyang nawalan ng malay ang dalaga na isinugod ng mga kaanak sa naturang pagamutan habang tumakas ang suspek.
Nagkasa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Police Community Precinct 5 na nagresulta sa pagkakadakip ni Mahas. Nakakulong siya ngayon sa Caloocan City Police Detention Center at nahaharap ngayon sa kasong attempted homicide sa Prosecutor’s Office.