Nigerian, Pinoy timbog sa P14 Milyong shabu

Kinilala ang dayuhang suspek na si Christian Chukwebuka Okoye, habang natukoy ang Pilipino niyang kasabwat na si Anthony Lusay.
File

MANILA,Philippines — Aabot sa P14 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng nagsanib-puwersang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Las Piñas City Police sa ikinasang buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek kabilang ang isang Nigerian national na nagpakilala pang isang misyonaryo, kahapon ng hapon sa naturang lungsod.

Kinilala ang dayuhang suspek na si Christian Chukwebuka Okoye, habang natukoy ang Pilipino niyang kasabwat na si Anthony Lusay.

Sa inisyal na ulat, mag-aalas-3 ng hapon nang ikasa ng PDEA at Las Piñas City Police ang operasyon sa isang bahay sa Marcos Alvarez Avenue, Brgy. Talon 5, sa naturang lungsod.  

Ito ay makaraang isailalim sa halos isang linggong surveillance operation ng PDEA ang suspek hanggang sa magpositibo sa kaniyang iligal na gawain sa bansa.

Hindi na nakapalag ang mga suspek nang dakmain at posasan ng mga pulis makaraang tanggapin nila ang marked boodle money na may halagang P280,000 buhat sa nagpanggap na buyer.  

Dito nakumpiska sa kanila ang nasa dalawang kilo ng halaga ng shabu na tinangka pa umanong i-flush sa inidoro ng mga suspek ngunit naagapan sila ng mga operatiba.  Nakuha rin sa kanila ang iba’t ibang mga identification cards na may iba’t ibang pangalan na kanilang ginagamit sa transaksyon, dalawang cellular phone at timbangan.

Itinuturing ng PDEA na isang malaking isda si Okoye na hinihinalang miyembro ng isang malaking African syndicate na nag-o-operate sa bansa.

Show comments