MANILA, Philippines – Nasa 19 na heinous crime convicts na napalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang target ngayon ng massive manhunt.
Ito ang inihayag kahapon ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar kasabay sa pagsasabing patuloy na ang ginagawang pagtugis ng kanilang binuong tracker teams sa mga heinous crime convicts na hindi sumuko matapos nga ang ginawang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang mabulgar ang mga anomalya tungkol sa GCTA.
Ito’y matapos namang kumpirmahin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang unang partial list ng 19 na convicts ay ipinadala na nila sa DILG kahapon.
Ibig lang sabihin puwede nang ituloy ang pagtugis sa mga ito.
Magugunitang pansamantalang itinigil ang pagtugis sa mga hindi sumuko matapos ang ibinigay na deadline ng Pangulo dahil sa magulong listahan.
Kailangan pa umano itong linisin at ayusin bago ituloy ang muling pagtugis sa mga ito.
Sa inilabas na inisyal na listahan, dalawa sa mga ito ang nasa Metro Manila pa.
Sinabi ni Eleazar na sinisiguro nila sa publiko na ginagawa nila ang lahat para madakip ang mga ito. Kasabay nito nananawagan pa rin si Eleazar sa mga convicts na sumuko na lamang nang mapayapa.