MANILA, Philippines — Agad na sinibak sa kanilang puwesto ang apat na pulis makaraang mahuli sa akto ng hepe ng PNP-Internal Affairs Service na umiinom ng alak habang nasa duty sa Las Piñas City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nahuling pulis na sina Cpl Randy Danao, Patrolmans Samruss Inoc, Robemarla Abales at Alquinn Orgen, pawang mga nakatalaga sa Las Piñas City Police.
Nabatid na nagsasagawa ng ‘proactive suprise inspection’ ang National Capital Regional Police Office- Regional Internal Affairs Service sa pangunguna mismo ni Brig. Gen Jerry Galvan dakong alas-2 ng hapon nang matiyempuhan ang isang police checkpoint sa isang gasolinahan sa may Alabang Zapote Road sa Brgy. Talon, ng naturang lungsod.
Dito nahuli sa akto ni Galvan ang apat na pulis na nasa kasarapan sa pagpapalitan ng tagay ng brandy dahilan para kumprontahin sila ng heneral.
Nang malaman ito ni Southern Police District Director, Brig. Gen Nolasco Bathan, agad niyang ipinag-utos ang pag-relieve sa apat na pulis at ipatapon sa District Headquarters Support Unit kung saan nasa ‘floating status’ sila. “It is unfortunate, but actuations such as this, should not be tolerated,” ayon kay Bathan.
Nabatid rin na bahagi ng parusa ng mga pulis ang pagsasagawa ng ‘community service’ habang tuloy naman ang pagsasampa ng kasong administratibo na ‘less grave misconduct’ o ‘conduct unbecoming of a police officer’ sa kanila na may katumbas na parusang permanenteng pagkatanggal sa serbisyo.