58-tons beam ng Skyway 3, bumagsak

Ang 58-toneladang coping beam ng Skyway Stage 3 na bumagsak matapos kumalas mula sa hook habang ito’y kinakabit sa bahagi ng NLEX malapit sa Balintawak, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kuha ni Michael Varcas

Trapik sa NLEX tumukod

MANILA, Philippines — Bumagsak ang 58-tone­ladang coping beam ng ginagawang Skyway Stage 3 sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Quezon City, habang iniinstala kahapon ng madaling araw na nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Nabatid na pasado alas-2:00 ng madaling araw nang kumalas ang coping beam mula sa hook nito habang iniinstala at tuluyang bumagsak sa bahagi ng NLEX-Camachile ngunit inabot pa ng ilang oras bago ito tuluyang natanggal.

“Noong maiangat nagkaroon ng problema doon sa lifting log pero ‘yun ay nasa design naman... Wala namang may gusto, bumigay ‘yung lifting log at ‘yan ang nangyari,” ayon sa rigging engineer na si Reggie Garcia.

Sanhi nito, nagsikip ang daloy ng trapiko sa magkabilang lanes ng NLEX patungong Balin­tawak at Camachile.

Mabuti na lamang at wala namang iniulat na namatay o nasaktan sa naturang insidente.

Kaagad naman umanong nagpadala ang NLEX ng traffic at safety teams sa lugar upang siyang mangasiwa sa daloy ng trapiko at tiyakin ang kaligtasan ng mga motorista.

Humingi naman ang NLEX ng paumanhin sa mga moto­rista dahil sa abalang idinulot ng insidente.

Show comments