MANILA, Philippines — Bibigyan ng legal assistance ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang trans woman na si Gretchen Diez sa laban nito kaugnay ng naisampang kaso laban sa Araneta Center Inc. at Starline Security Agency sa QC Hall Legal Department.
Ito ay makaraang atasan ni Belmonte ang City Attorney’s Office na pagkalooban ng kailangang legal assistance si Diez upang mabigyan ito ng hustisya kaugnay ng paglabag ng mga respondent sa Quezon City Gender-Fair Ordinance.
Si Diez ay nagtungo noong Biyernes ng hapon para sa QC Pride Council meeting na naipatawag ni Belmonte para busisiin ang paglabag sa karapatan ni Diez at hindi na maulit pa sa iba pang miyembro ng LGBT community ang nangyari rito.
Si Belmonte ay kilalang tagapagtaguyod ng QC Gender Fair Ordinance na naglalaan ng isang komprehensibong anti-discrimination policy hinggil sa Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE).
Sa ilalim ng naturang ordinansa, kaakibat dito ang kautusan sa lahat ng mga establisimiyento sa QC na maglagay ng gender-neutral restrooms para sa LGBT members.
Magugunitang si Diez ay pinagbawalan ng isang janitress ng Farmers Mall sa Cubao na gumamit ng female CR at saka pinosasan nang dalhin sa isang himpilan ng pulisya.
Ang nangyari kay Diez ay naging daan naman ng pagmulat sa mga mambabatas ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa LGBT members.
Ang QC ang unang LGU sa buong bansa na nagbigay importansiya at proteksyon sa LGBT community mula 2013 nang isabatas ang naturang ordinansa.