MANILA, Philippines — Handang isailalim ng Quezon City government sa programang pabahay at tulungan sa relokasyon ang may 30 pamilya na naapektuhan ng demolisyon sa may Victory Avenue, Brgy. Tatalon Quezon City.
Ito ang inihayag ni QC Secretary to the Mayor RJ Belmonte nang magtungo sa QC hall ang mga apektadong pamilya ng demolisyon para solosyunan ang kanilang problema.
Sinasabing ang usapin ay isang internal issue na hindi maaaring makialam ang lokal na pamahalaan at tanging ang korte lamang ang magdedesisyon sa kung sino ang nagmamay -ari ng lupa.
Nilinaw din ni Belmonte na walang kinalaman ang QC hall sa paggiba sa mga bahay sa nabanggit na lugar.
Para makatulong ang QC government sa sitwasyon, nagpatawag si Belmonte ng isang pagpupulong sa pagitan nina Rebecca Genato, nagsasabing may-ari ng lupa, Brgy. Tatalon Chairman Rodel Lobo, mga representatives mula sa Galas police station, Housing, Community Development & Resettlement Department (HCDRD), at ang mga apektadong pamilya ng demolisyon .
Sa nasabing konsultasyon, inamin ni Genato na personal siyang nanghingi ng tulong sa Galas Police.
Nanindigan si Genato na trespassing ang ginawa ng mga pamilyang umukopa sa kanyang lupa kahit may utos na ang korte na lisanin ng mga ito ang lugar noon pang Agosto 30, 2016.