TNVS na kolorum , huhulihin pa rin -- LTFRB

Ito ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising­ and Regulatory Board (LTFRB) sa ginanap na inter-agency consultation na ipinatawag ng ahensiya sa mga TNVS drivers at operators makaraan ang isang araw na pagsasagawa ng transport holiday ng mga ito noong Lunes.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Huhulihin pa rin ng mga enforcers ang lahat ng mga TNVS units na kolorum o walang provisional authority.

Ito ang naging desisyon ng Land Transportation Franchising­ and Regulatory Board (LTFRB) sa ginanap na inter-agency consultation na ipinatawag ng ahensiya sa mga TNVS drivers at operators makaraan ang isang araw na pagsasagawa ng transport holiday ng mga ito noong Lunes.

Nag-alsa ang mga nabanggit at nagsagawa ng transport holiday dahil ginigipit umano ng LTFRB at pinahihirapan ang kanilang hanay.

Mula alas 2 ng hapon ng Martes hanggang pasado alas-8 ng gabi ng Martes ay walang ibang napagkasunduan sa magka­bilang panig.

Sa loob ng mahigit 5 oras ay kanya-kanyang sentimiento ang naihayag ng mga TNVS drivers at operators sa pagdinig.

Sinabi lamang ni LTFRB Chairman Martin Delgra na pag- aaralan ng LTFRB board kung ano ang maitutulong sa hinaing ng mga TNVS operators at drivers.

Nirereklamo ng mga TNVS drivers at operators na hindi agad sila nakakuha ng provisional authority (PA) o franchise sa LTFRB dahil sa anila’y mabagal na pagpoproseso ng ahensiya sa kanilang mga papeles.

Nanindigan naman si Delgra sa posisyon ng LTFRB board na hindi pagbibigyan na makapasada ang mga colorum na TNVS na makapasada at huhulihin ang mga ito gaya ng ginagawang paghuli ng mga enforcers sa iba pang mga kolorum na pampasaherong sasakyan tulad ng bus, jeep, AUV at taxi.

Ani Delgra, hindi  nila kontrol at wala na sa kanila ang problema kung bakit nahihirapang makapag-comply sa mga requirements ang isang TNVS.

Show comments