MANILA, Philippines — Bilang sukli sa kanilang pagsisikap, higit 2,000 mag-aaral na nagtapos sa mga pampublikong elementarya at senior high school sa Makati City ang niregaluhan ng pera na aabot ng P10,000 at laptop computer ng Pamahalaang Lungsod.
Pinangunahan ni Mayor Abigail Binay ang Gawad Parangal ceremony nitong Hunyo 18 at 19 sa A. Venue Hotel sa Makati Avenue kung saan ibinigay niya ang voucher ng cash incentives na iki-claim ng kabuuang 2,014 mag-aaral sa Cash Division ng City Hall.
Nasa P6,000 hanggang P10,000 ang bawat isa ang ibinigay ng lokal na pamahalaan habang nasa 60 laptop computers rin ang mga ipina-raffle.
Sinabi ni City School Division superintendent Rita Riddle, P6,000 ang ibinigay sa mga nagtapos ng “with honors; P8,000 sa “with high honors” at P10,000 sa mga nakakamit ng “with the highest honors.”
Nabatid na may 733 honor graduates sa elementarya habang 1,281 naman ang nakakamit ng honors sa senior high school kabilang ang mga nagtapos sa Higher School ng University of Makati.
Sa datos ng DepEd Makati, ang East Rembo Elementary School ang may pinakamaraming nagtapos ng may honors sa 66 habang ang HSU ang may pinakamaraming honors sa 756 kasunod ang Makati Science High School na may 158 honor students.
Noong 2018, nasa 1,799 honor students lamang ang nabigyan ng insentibo ng lokal na pamahalaan sa lungsod.