MANILA, Philippines — Sibak sa puwesto si Eastern Police District (EPD) Director P/BGen. Christopher Tambungan matapos na ireklamo ng isang lady cop na dating nakatalaga sa San Juan City Police nang umano’y pananakit sa kanya at panggigipit nang dahil lamang sa pagkabigo niyang mabigyan ito kaagad ng motorsiklo na maghahatid dito sa kanyang pupuntahan noong bisperas ng May 13 midterm elections.
Batay sa ulat, noong Mayo 12 pa naganap ang insidente sa Greenhills Police Community Precinct (PCP) ngunit ngayon lamang nagawang magsumbong at magreklamo ng complainant na si P/Cpl. April Santiago.
Sa reklamo ni Santiago, nabatid na naka-duty siya nang dumating sa PCP si Tambungan dakong alas-7:00 ng gabi at tinawag siya at nagre-request ng police assistance at motorsiklo patungo sa pupuntahang restaurant sa lugar.
Sinagot umano ito ni Santiago na wala pang available na motorsiklo, dahil naka-deploy umano noon ang kanilang mga pulis para sa halalan.
Kaagad aniya itong ikinagalit ng heneral at hinampas siya sa ulo, ngunit hindi niya nagawang magreklamo sa takot dito.
Hindi pa umano nasiyahan, isinalya pa ng heneral ang pintuan ng kanyang sasakyan upang tamaan ang lady cop, habang siya ay pinagsasalitaan ng hindi maganda.
Malaunan naman umano ay naihatid din ng motorsiklo si Tambu-ngan, ngunit hindi umano natapos dito ang masamang karanasan ng pulis dahil kinabukasan ay ni-relieve umano siya nito sa puwesto at idinestino sa EPD headquarters, at doon muli siyang pinag-initan. Ipinagpatuloy din umano nito ang ginagawang ‘panggigipit’ sa kanya, sa pamamagitan nang pagbibitiw ng masasakit na salita gaya nang ‘baog daw siya at dapat daw sa kanya ay tinutuli.’
Tatlong linggo rin umano siyang hindi pinag-day off at sinampahan pa ng kasong administratibo dahil sa hindi pagtulong sa kanilang district director.
Kamakailan lamang nagawa ni Santiago na makapagreklamo nang makapagpalipat siya ng puwesto sa Southern Police District (SPD).
Kaagad namang inaksiyunan ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/Maj.Gen. Guillermo Eleazar ang pangyayari, na nakuhanan pa ng CCTV sa Greenhills PCP, at napanood mismo nito.
Ayon kay Eleazar, naniniwala siyang ang pananakit ni Tambungan sa biktima ay “unjustified” at “completely unbecoming of an officer of the PNP.”
“As such, I am relie-ving Gen. Tambungan administratively from his post temporarily, pending a full and impartial investigation on the matter,” aniya pa.