Parak na nakapatay ng bata sinibak

Ang suspek na si P/Cpl. Rocky Delos Reyes ay napatunayang nagkasala sa kasong Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a police officer at simple misconduct na sapat para tanggalin siya sa serbisyo bilang parusa.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Inirekomendang tanggalin  sa serbisyo ang isang pulis na isinabit sa pagkamatay ng isang anim na taong-gulang na batang lalaki sa isang walang habas na pamamaril sa Caloocan City noong Abril.

Ang suspek na si P/Cpl. Rocky Delos Reyes ay napatunayang nagkasala sa kasong Grave Misconduct and Conduct Unbecoming of a police officer at simple misconduct na sapat para tanggalin siya sa serbisyo bilang parusa.

Ang dismissal paper ni Delos Reyes ay pinirmahan ni National Capital Region Police Office Director Police Major General Guillermo Eleazar kamakalawa ng gabi.

Ang kaso ay kaugnay ng pagkamatay ng anim na taong gulang na batang si Gian Habal na nabaril sa ulo habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay sa Camarin, Caloocan.

Bumaba ang dismissal from services ni Delos Reyes habang sumusulong naman ang kasong criminal laban sa kanya.

Nakita ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 128 Judge Eleanor Kwong na merong sapat na basihan para litisin si Delos Reyes sa kasong murder, attempted murder at gun ban violation. Inutos niya  na ilipat ang nasasakdal sa Valuenzuela City Jail.

Ikinakatwiran naman ni Delos Reyes na natamaan ng bala si Habal nang magpaputok siya ng warning shot habang hinahabol niya ang isang alyas Mosquito na me­rong standing warrant of arrest sa kaso nito sa illegal drugs.

Idinagdag ng pulis na tinangka niyang tulungan ang bata pero inumog at pinagtulungan siya ng mga kamag-anak ni Habal at inagaw nila ang kanyang baril at aksidenteng nabaril sa paa ang lola ng biktima.

Ibinasura ng imbestigador ang kanyang katwiran sa pagsasabing hindi niya maida­dahilan ang presumption of regularity sa kanyang hakbang  na nagbunga sa pagkamatay ng bata.

Pinuna ng imbestigador na tumakbo palayo si Delos Reyes at tinangkang tumakas mula sa pinangyarihan ng krimen kasunod ng pamamaril.

Bukod dito, natuklasang walang permit to carry firearms Outside residence si Delos Reyes dahil personal niyang baril ang gamit niya.

Show comments