Dahil sa ‘ghost’ claims
MANILA, Philippines — Hindi na pinakawalan at tuluyang inaresto ang may-ari ng WellMed Dialysis and Laboratory Center Incorporated matapos lumutang kahapon sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa imbestigasyon.
Kaugnay ito sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin sa isyu ng ‘ghost’ claims para sa mga pasyente ng dialysis na namatay na.
Sa paglutang kahapon sa NBI-Anti-Graft Division ni Dr. Brian Sy, may-ari ng nasabing dialysis center, sinabi nito na ang mga dating empleyado ng kaniyang clinic ang sangkot sa sinasabing fraudulent claims sa mga pasyente.
Lumutang din sa NBI ang mga whistleblower na sina Edwin Roberto, dating assistant manager ng nasabing dialysis center at Liezel Aileen Santos, dating PhilHealth officer ng WellMed.
Kasama ni Dr. Sy ang kanyang abugadong si Atty. Ruel Ilagan.
Dumating din ang ilang kinatawan ng PhilHealth dala ang ilang kahon ng mga dokumento patungkol sa sinasabing mga pekeng claims ng WellMed.
Itinanggi ng mga whistleblower ang akusasyon ng abugado ni Sy na nakinabang sila sa anomalya bagkus ay sumunod lamang sila sa utos ni Sy.
Nag-resign umano ang dalawa dahil hindi na nila masikmura ang korapsyon sa WellMed at PhilHealth.
Ang imbestigasyon ng NBI ay tugon sa kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra na imbestigahan ang sinasabing bilyun-bilyong pisong anomalya na kinasasangkutan ng WellMed at PhilHealth.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) si Dr. Sy, sa kasong estafa o Article 315 at falsification of public documents o Article 172 ng Revised Penal Code.