‘Doble pasahe’, pipigilan ng MMDA

Ayon kay MMDA EDSA Traffic Czar Bong Nebrija, mas mahal aniya ang pamasahe sa city buses, ngunit pinakiusapan ng MMDA ang mga operator na pasanin na lamang ng mga ito ang diprensya sa pamasahe.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Nakiusap ang Metropolitan Manila Development Authority  (MMDA) sa  mga city bus operator na huwag  patawan nang karagdagang pamasahe ang mga commuters na maaapektuhan sa provincial bus ban.

Ayon kay MMDA EDSA Traffic Czar Bong Nebrija, mas mahal aniya ang pamasahe sa city buses, ngunit  pinakiusapan ng MMDA ang mga operator na pasanin na lamang ng mga ito  ang diprensya sa pamasahe.

“Kinausap na po namin ang mga city operators na they should just shoulder the difference... Ibig sabihin, kung ang pamasahe mo is P1,000 coming from Bicol to Cubao tapos mapuputol, P900 na lang dahil Santa Rosa ka, ang sinasabi po namin, from Sta. Rosa to Cubao P100 na lang ang pamasahe,” ayon kay MMDA EDSA Traffic Czar Bong Nebrija.

Nabatid, na sa ilalim ng provincial bus ban, kinakailangang magbaba ang mga ito ng kanilang mga pasahero sa itinakdang  mga terminal ng gobyerno,  na nasa Parañaque City, Valenzuela City at Santa Rosa, Laguna at saka lilipat sila ng city buses para ihatid sa kanilang destinasyon.

“Hindi po madodoble ang pamasahe,” dagdag pa ni Nebrija. 

Hinihintay na lamang  aniya ng MMDA na magkaroon ng special permits para sa fare scheme. 

Ayon kay Nebrija, nakiki­pagpulong na rin ang ahensya sa mga commuter at operator, habang hindi pa naglalabas ang Korte Suprema  ng kanilang pinal na desisyon kontra provincial buses ban.

Show comments