MANILA, Philippines — Nasa kabuuang 80 motorista ang nahuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa illegal parking at iba pang paglabag sa Quezon City ngayong unang araw ng pasukan.
Pinangunahan mismo ni MMDA Chairman Danilo Lim ang paghatak sa mga sasakyang nakaharang sa kalsada sa paligid ng Corazon Aquino Elementary School at Batasan Hills National High School sa Batasan Hills at Ramon Magsaysay High School sa Cubao.
“Gusto nating matiyak na malinis ang kalsada para sa kaligtasan ng mga estudyanteng papunta at palabas ng eskwelahan at para tuluy-tuloy ang daloy ng trapiko ngayong pagbubukas ng klase,” ani Lim na umpisang nag-inspeksyon alas-5 ng umaga.
Sa unang tatlong oras ng operasyon, ang mga tauhan ng Task Force Special Operations ay nakahuli ng 21 unattended vehicles at 12 attended vehicles na iligal na nakaparada; 21 motorcyle riders na hindi nakasuot ng helmet; tatlong motoristang hindi sumusunod sa mga traffic signs; at isang fish ball cart na kinumpiska dahil nakakaapekto sa trapiko.
Dalawampung tricycles din ang nahuling nag-o-overloading sa joint operation ng MMDA at Tricycle Regulatory Unit ng Quezon City.
Katamtamang bigat ng trapiko ang sumalubong sa mga motorista sa Metro Manila ngayong unang araw ng School Year 2019-2020.